Friday, May 15, 2009

panitikan ni SANDRO

Ang blog na ito ay tatalakay sa mga piling panitikang aking niyakap.Sanay maibigan ninyo.
Aking pasasalamat sa Malate Literary Folio at sa panitikan.com.ph


Mga Tula:

Ascaris lumbricoides
ni Michael Francis Andrada

I.

Ginoo,
Bago mo ako paulanan
Ng asin,
Titigan mo akong mabuti.

Pansinin mo ang magkabilang dulo
Ng aking patpating katawan.
Alin sa tingin mo ang aking ulo?
Alin ang puwitan?

Alinman sa dalawa
Ang ituro mo,
Pasensiya na Ginoo,
Ngunit nagkakamali ka.

Nasa tagiliran ko
Ang labasan
Ng sama ng loob,
Ng dumi ng katawan.

II.

Ngunit ano ba'ng marumi?
Lupa ang aking agahan,
Tanghalian, minindal, hapunan.
Ito rin ang aking tahanan.

At kapag umulan, ang mga butas
Na ginagawa ko sa ilalim
Ng lupa - ang aking lagusang-
Tahanan - ang siyang dinadaluyan.

Narito na ako
Bago mo pa man
Patayuan ng gusali
Ang lupang ito.

Narito na kami
Bago pa man
Maimbento
Ang semento.

Masagana ang ulan,
Panighaw sa nauuhaw
Na lupa. Ang semento
Ang pumipigil sa aming

Paghinga. Kami na walang

Pahinga.

Ginoo,
Iniisip mong tagabitbit kami
Ng sakit, na ang aming pulang
Balat ay naimbakan ng dungis;

Lupa ang nagpapapula
Sa aming abang katawan;
Patotoo kaming ang silbi nito'y
Di lamang bilang libingan.

Ngunit iyon ang nais mo:
Ang pitpitin ang lupa
Upang kasama kaming
Madildil, makitil.

III.

Ginoo,
Huli na lang,
Ang mga butil ng asing iyong hawak,
Naipon kong pawis, namuo't nabasag.


Cellfone
ni Lilia F. Antonio

Noon.
Parang talang sinusungkit ko
ang cel # mo.
Gusto kong mai-forward ang msgs.
Pix msg, grafx na kumukutitap, green jks, trivias,
quotes, pryers, reflctxns, songs
dat apirs AM, PM, dey n nayt sa cellofne ko
2 let u knw dat I hvent 4goten u.

Pero, laging service not available.

Ngayon, na-dscober ko
txtmate ay d sinusungkit
di kailangang mangulit ni magpumilit
malayang pagkakaibigan
libreng nakakamit
kaya no more space for messages
sa cellfone mong ipinagkakait.

16 Abril 2001


Halimaw
ni Romulo P. Baquiran

Nalalagas ang bituin
sa kaniyang tingin.
Sa gabi, tinutubuan siya
ng balahibo, kuko, pangil.
Kasi’y iinom ng dugo
ng nagmamakaawang tao.
Pagdilat ng umaga,
almusal ng lungsod
ang ulo ng balita:
katawang hinango sa ilog,
ulong pinulot
sa tambak ng basurahan.
Nalalagim ang lungsod.
Tila sanggol naman ang halimaw,
unan ang mga pinaslang.

22 Setyembre 2002



Presidential Address
by Francis Macansantos

I am wind, now, and the fetid air
Dreaming among the unwashed crockery,
And this, my country seat, is all there is
Untouched by claim and counter-claim,
Or by the fingers that fidget,
Aching to number my bones.
I hover about these grounds and, at a whim,
Gust the door open, rush in,
Bang the windows shut and turn on the shower.
This way I keep my wits about me,
Trusting that old terror will, as always,
Keep the timid away from passionate places.
And though I cannot keep back the jungle’s return,
I rather like the way a sinewy tropical vine
Coils around a tree I had planted,
Strangling, but keeping it erect, perhaps for always.
Ha! I, too, as leisure allows, can imitate
All recorders and prophets, grown sturdy on dead time
(Their staff of immortality) till staff or heaven totter.
Oh, yes, with nothing better to do, I dream and talk,
But find in disembodiment one advantage:
I do not need to judge on particulars
Because whatever I say turns mythical,
Rolling echoes fore and aft in time.
And what history does not repeat its babble
With childish gusto? So here I go again
--Twirling saprophyte—here go my vagrant
Circumlocutions: All history is one,
All variations of me, or such as me:
I am its incantation.
In life I was
A lush and tropic mass of words
That cast a spell over my islands,
Cast a net all over them because I loved them
And love them still. Because to grasp, to comprehend,
Is to embrace; all understanding is control.
And though in life I seemed espoused
To the futile notion of progress,
At heart I never aspired to heights
Greater than I can fly now.
Here, then, this earth, this native soil,
Is all there is to love infinitely.
Such Earth… such womanhood!
You’d finger her till she is bone and ashes.
You’d haunt her still, when you are bone and ashes.
There is no other Time than that which fruits from Earth
Great lovers to ravish her perpetually.
Consider that Zeus slashed off Kronos’ vitals.
No one else could have done it better—
No one else but the hero and murderer.
For such is history: the sons must bury their fathers
To keep alive the heritage of passion.
Yet there are many among us who say they would
be Zeus
to their own Kronos,
to pay the full price of equality.
I say, could anyone be so deceived?
Loving is no right; it is a privilege.
Only the great lovers, insatiable, shall reap
The fairest fruit of this Earth’s bounty.
So, here I remain—ghost which no appeal, meta-
physical,
Can raise much higher
Than my desire.

MGA KWENTO

Buwan, Buwan Hulugan Mo Ako ng Sundang
ni Lualhati Bautista

I

"Pangalan mo?"

Napaangat ang mukha ni Angela. Napatitig siya kay Doktor Isidro. Saglit na nagduda siya kung hindi kaya nag-uulyanin na ang matandang doctor at hindi na nito matandaan ang pangalan niya gayong maraming taon na silang magkakilala.

"Angela po," sagot ni Angela, "Angela Miguel."

Hindi nagbago ang timpla ng mukha ni Dr. Isidro. Hindi ito nagpakita ng anyo ng rekognisyon. At bigla'y nahulaan ni Angela na nagtatanong ito hindi dahil nakakalimot na ito kundi tinetesting nito kung siya ba, si Angela Miguel, ay nakakaalala na!

"May asawa?"

"Opo."

"Pangalan?"

"Onofre. Onofre Miguel," mabilis at tiyak na sagot niya.

"May anak?"

"Opo, meron!" Iyon ang hindi niya makakalimutan. Ang totoo, iyon ang kailanma'y hindi niya nakalimutan, kahit sa loob ng mga taon ng pagkabilanggo niya sa narerehasang puting silid na ulila sa mukha at hubog ng kapwa tao pero kadalasang sinasalakay ng iyak, tawa, daing, sigaw, at paghuhuramentado ng naglipanang baliw sa kanyang paligid.

"Ilan?"

"Isa lang po. Aliw po ang pangalan niya. Malaki na siya ngayon, Dok!" sunod-sunod na sagot ni Angela, at sinikap niyang pigilin ang piglas ng damdamin sa pagkatao niya. Baka mabigla siya, ipagyabang niya nang husto si Aliw. Baka mabigla siya, mapatawa-mapaiyak siya. Masama iyon, baka ibalik siya ni Dok sa puting silid na may bakal na rehas sa bintana't pinto.

Kaya nang tumawa si Angela, banayad na tawa lang:

"No'ng araw, Botik-kotik ang tawag namin sa kanya. Pero malaki na siya ngayon. hindi na niya magugustuhan ang Botik-kotik!"

Ngumiti na nang matipid si Dr. Isidro. "Maganda ang pangalan niya: Aliw."

Dahil sa kanila ni Onofre, iyon ang kahulugan ng pagsilang ng anak nila. Aliw.

Pero hindi niya babanggitin si Onofre kay doctor. Baka maalala ni Doktor na hindi siya dinadalaw ni Onofre. Halos mula pa ng araw na dalhin siya rito. At sampung taon na ang tagal n'yon.

Di bale na lang. Kahit noon, sa manaka-nakang pagsagi sa kanya ng katinuan, sinasabi-sabi niya sa sarili: di bale na lang. Wala siyang magagawa. Talagang gano'n ang buhay. Iniibig ka niya ngayon, bukas ay hindi na. Lalo na kung na-mental ka.

Hindi mo siya masisisi. Siyempre, nalalabuan din 'yong tao sa lagay mo. Siyempre, iniisip din no'n, baka hindi ka na makalabas diyan. Pasensiya ka na kung sakali ma't nag-asawa na siya sa iba. siyempre'y kailangan din niya ng makakasama sa buhay!

Pero laman na rin pala ng isip ng doktor si Onofre. At ngayo'y itinatanong nito sa kanya:

"Nawala na ang asawa mo. Pa'no paglabas mo rito? Sa'n ka uuwi?"

Nakanti ni Doktor ang hinanakit niya pero may hatid ding tuwa sa kanya ang laman ng mga salita nito. Nagkabuhay ang mukha ni Angela:

"Lalabas na 'ko, Dok?"

"Kung may matutuluyan ka."

"Meron po! Si Chabeng! Kaibigan ko 'yon! Nakita n'yo na 'yon, Dok! Nagpunta na siyang minsan sen'yo! Kinukumusta niya sen'yo ang lagay ko!"

Tumangu-tango si Doktor, pero hindi kumbinsido. "Tatanggapin ka kaya niya?"

"Kaibigan ko siya, Dok!" ulit ni Angela, at punung-puno ng pag-asa ang tinig nito. "Matalik kong kaibigan!"

Tatangu-tango pa rin si Doktor.

"At sabi n'yo sa kanya, siguro, minsan. puwede na 'kong umuwi. Parang pagsubok, sabi nyo. Dalawang araw-tatlong araw. Kung makakaya ko nang mabuhay uli sa labas," nagkaro'n na ng paninikluhod ang tinig ni Angela. "Dok, kayak o na! Magaling na 'ko!"

Tumitig sa kanya si Dr. Isidro. Parang ngayon lang ito nakukumbinse na magaling na nga siya. "E halimbawa mong pinauwi nga kita sa bahay ng kaibigan mo. ano'ng gagawin mo sa loob ng dalawa-tatlong araw na naro'n ka?"

"Dadalawin ko po'ng anak ko!"

"Sa'n ba naro'n ang anak mo?"

"Sa half-way home."

"Anong half-way home?"

Pangalan. Diyos ko, ang pangalan ng half-way home! Ano nga ba'ng pangalan no'n? Hindi niya natatandaan! Kinabahan siya na hindi na niya natatandaan ang mismong pangalan ng half-way home! Na sa isang pagkalingat niya sa loob ng mga panahong ito, naiwala niya ang pangalan !

Kinabahan siya na baka signos ito na hindi pa rin siya lubos na magaling. Na baka kasamang nawala ng pangalan ang isa pang piraso ng katinuan niya. Tuusin mo na alam niya ang pangalan ng half-way home maski no'ng bagong dating siya rito! Tuusin mo na gayong iniwan siya ng matinong pag-iisip niya, sa manaka-naka't biglaang pagdalaw nito, ang pinakamalaking dala-dala nito'y gunita ng half-way home na pinag-iwanan nila ni Onofre kay Aliw!

Sumakay sila ng taksi. Natatandaan niya pati kulay ng taksi: dilaw. Natatandaan niya iyon na para bang sa isang panahong darating, pag nakahanda na siyang balikan ang kanyang anak ay maaari siyang magsimula sa pagpunta sa half-way home sa pamamagitan ng isang dilaw na taksi!

Ang half-way home ay isang malaki't lumang bahay an ang mga bintana'y nababakuran ng kalawanging bakal. Nasa loob iyon ng isang bakurang naguguwardiyahan ng matatandang puno ng kaymito't mangga. Ibinigay nila si Aliw sa isang nakasalaming babae na ang buhok ay nasasalitan na ng puti at ang leeg ay nasasabitan ng kuwintas na perlas. Tinandaan niya ang mukha ng babae. Tinandaan niyang mabuti ang mukha ng babae para alam niya kung kanino kukunin si Aliw pagdating ng oras. Hiningi pa ng babae ang partida bautismo ni Aliw. Sabi pa nga ng babae, mabuti't tinanggap sa simbahan ang pangalang Aliw. Sabi naman ni Onofre, may Maria po kasi sa unahan. Maria Aliw.

"'Kako, ano'ng pangalan ng half-way home?" untag ni Dr. Isidro kay Angela.

Gustong magbigay ni Angela ng pangalan, kung maaari'y kahit mag-imbento na lang siya ng pangalan. Para malaman ng doktor na alam niya ang sinasabi niya. Para h'wag isipin ng doktor na baliw pa siya!

Nagtangka siya. Pero naunahan siya ng takot na makita ng doktor ang kasinungalingan sa kanyang mukha. At magalit ito't hindi siya palabasin.

Pinili ni Angela na aminin ang totoo:

"Nakalimutan ko!" kasunod nito'y napaiyak si Angela. "Diyos ko, nakalimutan ko!" na para bang iyon na ang pinakamalaking trahedya na maaaring mangyari sa mundo!

Pinabayaan siyang umiyak ni Dr. Isidro. Pinabayaan siya nang pinabayaan pero nang mukhang hindi siya titigil, tinapik siya sa balikat. "Sige lang, walang kuwenta 'yon," sabi nito. "Maski pinakamatatalinong tao'y nakakalimot. minsan nga'y kung alin pa ang pinakasimpleng bagay, tulad ng spelling ng one. o two."

Napahinto sa pag-iyak, napatanga si Angela sa doktor. Nakangiti sa kanya ang doktor.

"Pagpunta uli rito ni Chabeng, pasasamahin kita sa kanya. At, Angela. ang pangalan ng sinasabi mo ay Metropolitan Settlement House."

II

Mula ng hawakan niya ang papel ng pagka-superintendent sa ampunang ito'y libong kaso na ang dumaraan sa kanyang kamay. Dito na pumuti ang buhok niya, si Mrs. Buenaventura, at bagama't may bukas siya ng mukhang tulad sa isang istrikto't masungit na titser, sa iba't ibang paraan ay hindi rin niya maiwasang magkaro'n ng damdamin sa mga anak at ina - at minsa'y pati ama, na humihingi ng kanyang tulong.

Hindi ng tulong niya, kundi ng ampunang kinakatawan niya. Hindi siya mismo ang ampunan - kung baga'y siya lang ang tulay na tinatawid ng mga tao papunta sa isang sangktuwaryo. Ang ampunan mismo'y proyekto ng mga asa-asawa ng isang non-stock, non-profit organization ng malalaki't mayayamang lalaki. Sa kawalan yata ng magawa o mapagtapunan ng pera, nilikha ng mga nasabing babae ang ampunan mula sa isang lumang bahay-Kastila at ikinabit sa ilalim ng paying ng SWA na ngayo'y MSSD.

Naglayon iyong magsilbi sa mga indigent mothers na karaniwa'y mga utusang inimporta pa mula sa Bisaya't naanakan sa Maynila ng kung sino. Mga babaing walang asawa, walang kamag-anak, walang matakbuhan. Kukunin nila ang anak, aalagaan nang libre, habang ang ina'y namamasukan bilang labandera o yaya ng anak ng iba; at sa panahon na handa na ang ina na kunin ang anak niya, babakantihin nila ang duyang iiwan ng bata para ihanda sa ibang darating pa.

Pero nagkaroon ng mga kaso ng di-pagsipot ng ina, o ama. Si Lito L. ay inabot sa kanila ng pitong taon. Wala silang facilities para sa isang pipituhing taon na tulad halimbawa ng eskuwelahan. Obligadong ipasa nila si Lito sa ibang lugar na higit na makapagbibigay ng mga kailangan nito.

Kawawa ang bata. Bago nila natuklasan na abandoned child na pala'y malaki na ito't wala nang may kursunadang umampon pa.

Si Jennifer ay inabandon din - pero hindi rito kundi sa isang ospital. Sabi'y hindi raw makabayad sa ospital ang magulang ni Jennifer kaya pinaiwan ng ospital ang noon ay bagong silang pang bata bilang garantiya. Sanla, kung baga sa kasangkapan. Na araw-araw ang interes. Ibig sabihin: bayad sa nursery, bayad sa alaga, na araw-araw na ipinapatong ng ospital sa listahan ng utang ng magulang nito. Maaaring sa ikatlong araw ni Jennifer sa mundo ay limandaang piso lang ang pagbabayaran ng magulang niya. Ginawan ng paraan ng mag-asawa ang limandaan, nalutas nila ang problemang iyon pagkaraan ng isang lingo pero nang bumalik sila sa ospital, ang sinisingil na sa kanila'y isanlibo't limandaan.

Ayaw pa ring i-release ng ospital si Jennifer kung para man lang mapako na lang sa isanlibo limandaan ang utang ng magulang nito. Nanatili si Jennifer bilang sanla, bilang garantiya.

Inabot si Jennifer ng apat na taon sa ospital nang hindi natutubos. Sa loob siguro ng panahong iyon, nagkaanak na uli ang magulang niya at hinarap ng mga ito ang masaklap na katotohanang hindi na nila matutubos si Jennifer. No'ng malaki na si Jennifer, hinarap din ng ospital ang katotohanan na hindi na ito matutubos, at nagdesisyon silang ilista na lang ang bata bilang isa sa mga bad debts na naeengkuwentro ng kahit anong negosyo, pang-tax deduction na lang nila. At inilabas nila ng isterilisadong silid ng mga sanggol si Jennifer at ipinasa sa MSSD. Walang mapaglagyan ang MSSD, ibinigay nila ito sa settlement house.

At tinanggap ni Mrs. Buenaventura ang isang apat na taong bata na hindi marunong magsalita - sapagka't walang nagmalasakit kumausap dito sa panahon na kailangan nitong matuto; at hindi rin makatayo - sapagka't ang uuguy-ugoy na mga cribs sa ospital ay sinadya talaga para ma-discourage tumayo, at dumukwang, ang mga bata dahil makakaabala sa abalang mga narses.

Natuto ang MSSD sa kanyang mga karanasan. Nagbaba siya ng regulasyon sa kanyang mga sangay na ang batang hindi siputin ng magulang niya sa loob ng anim na buwan ay awtomatikong malalagay sa katayuan ng isang abandoned child, na awtomatikong maglalagay din sa kanya sa listahan ng mga batang eligible for adoption.

Natuklasan ni Mrs. Buenaventura na marami nap ala silang eligible for adoption.

Ngayo'y sinasabi niya sa payat na babaing kaharap niya. "Kung andito ang anak mo, t'yak na kilala ko. Ano ang pangalan ng anak mo?"

"Aliw," walang gatol na sagot ng babae. "Maria Aliw Miguel," mabilis na dugtong nito.

Aliw. Kinabahan si Mrs. Buenaventura. Sa kasalukuyan ay wala silang bata rito na nagngangalang Aliw, pero parang may isang panahon na meron silang gano'ng pangalan.

Aliw. May malabong gunitang gusting bumalik sa isip niya kaugnay ng pangalang iyon.

"Misis, ano'ng pangalan mo?" tanong ni Mrs. Buenaventura.

"Angela po. Angela Miguel."

"Anong taon mo dinala rito ang anak mo?"

"Sampung taon na po ang nakakaraan. Dalawang taon pa lang siya no'n. Mabilis na siyang lumakad pero. pero kokonti pa lang ang nasasabi niya. Si Aliw. Botik-kotik ang tawag namin sa kanya no'n, at kami ng asawa ko ang nagdala rito. Onofre po ang pangalan ng asawa ko. 'Yong mataas, pero payat na lalaki. Taga-Palawan ho siya."

Botik-kotik. Lumilinaw ang gunita sa isip ni Mrs. Buenaventura, at lumalakas ang kaba ng dibdib niya, na sinusundan ng di-maiwasang pagkalito sa kanyang mukha.

"Iisang anak kop o siya, ma'am!"

"S-sandali lang!" sabi ni Mrs. Buenaventura at tumindig siya, mabilis na nagpunta sa isang silid, inabala ang sarili sa salansan ng mga records sa filing cabinet.

Hinahamig niya't sinisikap payapain ang sarili. Diyos ko, nakagawa ba kami ng malaki't walang kapatawarang pagkakamali? Pero anong malay namin na isang araw ay bigla na lang sisipot ang babaing ito!

Nagtatagal siya sa silid, habang pinangangatwiranan ni Mrs. Buenaventura sa sarili ang mga regulasyon at aksiyon ng settlement house.

Sabi rito sa record ay nasa mental hospital ang babaing ito no'ng mga panahong iyon. alangan naming makipaglinawan pa kami sa isang nasa mental hospital! Alangan namang i-monitor pa namin sa doktor ang progreso niya. kami rito'y mga abalang tao!

Pero ang baliw na babae noon ay tila binalikan ng ngayon ng matinong pag-iisip. pa'no kung balikan uli siya ng pagkabaliw bunga ng sasabihin niya ngayon dito?

Hindi, hindi ko kasalanan pag may nangyari sa kanya. Wala kaming magagawa. 'yong kapakanan ng bata ang una naming dapat intindihin!

Sumunod lang ako sa batas. hindi nila 'ko maaakusahan ng krimen!

Sa huli, wala ring nagawa si Mrs. Buenaventura kundi labasin at muling harapin ang babaing naghahanap sa kanyang anak.

"A, Misis. k'wan, kinuha ko ang record ng anak mo. Na-mental ka pala. Magaling ka nab a?"

Nahihiyang umamin ang babae. "H-hindi ko ho sigurado. Pero pinayagan na ho akong lumabas ng doktor. Hanggang sa makalawa ho, Ma'am. Parang pagsubok daw, k-kung kayak o na ngang pumirmi dito," at mabilis nitong idinugtong, sa tinig na napauunawa: "Ma'am, hindi ko pa naman kukunin ang anak ko, e. Dadalawin ko lang po!"

Tumango't naupo na uli si Mrs. Buenaventura. "Samakatuwid, mula't sapul. hindi mo nadadalaw ang anak mo?"

"Nasa mental nga po ako."

"E ang asawa mo?"

Nakita ni Mrs. Buenaventura ang pagdidilim ng mukha ng kausap. "H-hindi ko ho alam!"

"Hindi rin niya dinadalaw ang anak mo," sabi ni Mrs. Buenaventura.

Kumirot na ang mukha ng babae. Nadama ni Mrs. Buenaventura ang pagsama ng loob nito, na sinikap nitong takpan ng maikli't walang damdaming tanong. "Gano'n ho ba?"

"At alam mo, iha, meron kami ritong mga regulasyon. Kailangan, maski narito ang bata, dinadalaw din ng magulang niya. Pag anim na buwan nang hindi dinadalaw ang bata, napipilitan na kaming ideklara siya na abandonado."

Napaangat ang mukha ng babae na parang hindi naintindihan ang salitang abandonado.

"Ibig sabihin, pinabayaan na. Iniwan na."

"Hindi ko ho iniwan lang ang anak ko!"

"Oo, pero ang sinasabi ko sa 'yo, ang regulasyon namin."

"M-mahal ko po ang anak ko, ma'am!" giit pa rin ng babae. "Babalikan ko siya talaga. Kukunin ko. Kahit akong mag-isa ang magpapalaki!"

"Pero meron nga kaming mga regulasyon," giit naman ni Mrs. Buenaventura. "Angela, ang unang isinasaalang-alang namin dito'y ang kapakanan ng mga bata. Pero hindi naman basta gano'n na lang. Bago kami gumawa ng hakbang, pinipilit din naming macontact muna ang magulang niya. Sinusulatan namin, pinapupuntahan namin. nananawagan pa nga kami sa mga diyaryo!" Inililitaw na ni Mrs. Buenaventura ang mga sulat at ginupit na balita sa diyaryo na kasama ng records ni Aliw. "Gano'n ang ginawa namin sa kaso ni Aliw. Eto, o: nakatatlong sulat kami sa mister mo. Eto pa nga ang panawagan namin sa People's. Basahin mo, o: Tinatawagan si Mr. Onofre Miguel ng 38 Caballero St., Tundo, Maynila, na makipagkita sa Metropolitan Settlement House. Ang ibig kong sabihin, ginawa naming ang lahat para makaharap ang mister mo, makausap namin."

Nag-uumpisa nang mang-usig ang mata't tinig ng payat na babae. " Anong ibig n'yong sabihin ?

"Ikaw, alam naming nasa mental ka. No'ng mga panahong iyon, Malabo pa kung gagaling ka o hindi. Kaya ang mister mo ang sinisikap naming makausap."

At ang kabadong tinig ng babae'y naging hiyaw. "Ano'ng ibig n'yong sabihin?"

Lumikot ang mga mata ni Mrs. Buenaventura, naghanap ng sino mang abot-sigaw niya, na makakadalo sa kanya kung sakali't bigla'y maging bayolente ang kausap niyang dati'y baliw.

"No'ng mga panahong iyon, may isang mag-asawang gusting umampon kay Aliw." tinatatagan ang sarili, banayad na umpisa niya.

Nakita niya ang pamumutla, pagkagimbal ng babae.

". pero tinitiyak namin na may kakayahan talaga ang pinagbibigyan namin sa mga bata."

Nanginginig ang kausap niya. Parang nililindol.

". na maski pa'no'y liligaya ang bata do'n sa magiging magulang niya. Misis, ang kapakanan ng bata ang una sa lahat ay --. Misis, h'wag! Leo, Marcial, dali kayo!"

Bago nakadalo sina Leo at Marcial ay bumagsak na ang babaing nagtangkang tumindig!

III

Umiinom na naman si Onofre. Gabi-gabi sa loob ng nakaraang isang linggo'y wala na siyang ginawa kundi uminom. at uminom nang libre! Marami siyang kabagang sa dating lugar, at big shot ang tingin sa kanya ngayon ng mga tagarito. Binabati siya, pinakikibagayan, pinangingilagan, pinaiinom. Hindi niya gusto ang pakikibagay na luwal ng pangingilag sa kanya ng mga tao pero wala siyang mapamilian - kailangan niyang uminom! Hindi naman sa nasasabik siya sa alak, dahil maski no'ng araw ay hindi siya isang lalaking lasenggo. Tahimik na tao siya, marunong makisama, hindi mahilig sa gulo. Basta nabubuhay siya sa pagdidiyaryo-bote, tapos! Basta nakapag-uuwi siya ng pambigas at pang-ulam ng mag-ina niya.

Pero iba no'n at iba ngayon. Noon ay naguguluhan lang siya sa buhay niya. Ngayon, naguguluhan na'y namamait pa.

No'ng bago siya napilitang ipasok sa mental hospital ang asawa niya, sa maghapong pagbababad niya sa mga kalye, ang problema niya'y isang tanong tungkol kay Angela: Nababaliw nga kaya siya? Natatakot siyang baka nababaliw na nga si Angela, natatakot siyang nababaliw na nga si Angela at sa isang pagkakataong wala siya sa bahay ay may mangyari pati sa anak niyang si Botik. Naaalala niya lagi 'yong baliw na inang walang awing dinukot ng plais ang mata ng anak niya. naaalala niya 'yong baliw na amang nagtarak ng krus sa dibdib ng kanyang anak sa matinding paghahangad nito na itaboy ang masamang espiritung lumalamon daw sa katawan at utak ng bata.

Pero pa'no pag ipinasok niya sa ospital si Angela? Sino pa ang titingin kay Botik? Pareho lang silang walang kamag-anak sa lunsod. Siya - sa Palawan siya isinilang at lumaki. Napunta lang siya sa Maynila sa paghahanap ng kapalaran. Si Angela - isang galing sa Iloilo na naloko ng isang kinatawan dawn g employment agency. Ipinasok na katulong sa Maynila, ginahasa, ipinagbili, pinagpasa-pasaan ng mga parukyanong Intsik - lumang kuwento, para kang nagbasa ng kuwento sa komiks.

Kung bakit ngayo'y parang nababaliw si Angela, hindi niya alam. Ewan niya kung may kinalaman dito ang naging kapalaran niya sa lunsod. Maaari din naming nasa lahi na talaga ni Angela ang pagkabaliw. O baka dahil napaglilipasan ng gutom si Angela?

Hindi niya alam.

Anu't anuman, kononsidera ni Onofre na ipasok sa ospital si Angela, lalu na nang kakitaan niya ito ng malalang pakikipagtalo sa sarili sa kanyang pag-iisa, ng pagpupumilit sa buwan na "hulugan siya ng sundang na pambukas ng kanyang tiyan" sa kalaliman ng gabi, sa pakikipagkagalit sa mga aninong hindi niya maubos-maisip. At bahagi ng paghahanda ni Onofre sa paglala ng kalagayan ni Angela ang pag-alam sa kung paano kaya si Botik kung saka-sakali.

Sa pamamagitan ni Chabeng, natuklasan ni Onore ang tungkol sa settlement house. Nakipagkita siya ro'n. At habang pinag-iisipan niyang mabuti ang gagawin kay Angela, inihanda ang mga kailangang isumite sa ampunan, tulad ng mga sertipiko ng kapanganakan at pagkabinyag kay Botik-kotik.. kay Maria Aliw.

Hanggang isang araw ay umuwi siya sa malalang pagkakagulo ng mga kapitbahay. Si Angela raw, ayon sa paniwala nito, ay hinulugan na ng buwan ng sundang at ngayo'y sinisikap buksan ang sariling tiyan para isolo do'n ang kanyang si Aliw - dahil do'n lang makakatiyak ng kaligtasan ang isang bata, sa tiyan ng kanyang ina!

Pinagmadali siya ng mga kapitbahay sa paggawa ng desisiyon. May nagsilid ng ilang damit ni Aliw sa isang supot na plastik, may nagsilid ng ilang damit ni Angela sa isang supot na plastik din. May nag-abot sa kanya ng pantaksi. May tumawag ng taksi para sa kanila.

At mula sa araw na ipasok niya sa pagamutan si Angela, ang kustiyon ng kung nababaliw na nga ba ito'y napalitan ng ukilkil ng tanong na, gagaling pa kaya siya?

Kailangang gumaling siya. Kailangang makuha namin si Botik. Diyos ko, h'wag mong pabayaan magkaganito ang pamilya ko!

Una'y para madagdagan pa ang kita niya para magamit niya sa mga gamut ni Angela at mga pasalubong kay Botik-kotik, at pangalawa'y para matakasan ang pag-iisa niya't pangungulila sa gabi, nagdagdag pa ng hanapbuhay si Onofre: nagtinda siya ng balut, naghugas ng mga pamasadang diyip, nagtulak ng mga kariton ng gulay. Sa kanto ng Tayuman at Felix Huertas, sa piyer, sa Asuncion. kahit sa mga lugar kung saan naglipana ang mga pulis at magnanakaw, kahit sa mga oras ng curfew na lumilitaw ang mga Metrocom at tumatago ang mga kriminal!

Sampung taon pagkaraan at iba na ang tanong ngayon ni Onofre sa sarili kaugnay ni Angela: kumusta na kaya siya ? Gusto niyang dalawin si Angela pero natatakot siyang malaman kung kumusta na kaya ito. Baka mas malala pa si Angela sa dati. Baka patay na. At pa'no kung gumagaling na si Angela at itanong sa kanya, kumusta na ang anak natin? Hindi niya masasabi kay Angela na sa loob ng nakaraang sampung taon ay hindi niya nakita ang anak maski minsan. Hindi pa rin siya makapagpakita rito hanggang ngayon. Wala siyang madadala sa anak maski mumurahing manika. Hindi niya maiuuwi ang anak kung sakali't gusto nitong sumama sa kanya, sa simpleng dahilan na wala siyang bahay na mapag-uuwian dito. Hindi niya masasabi sa anak kung saan siya galing at inabot siya ng sampung taon bago muling lumitaw.

Kaya umiinom siya. Wala siyang magawa sa problema niya kundi uminom at ipagluksa ang buhay niya sa bawa't magdamag.

Pero hindi tama ito, ngayo'y sinasabi ni Onofre sa sarili, habang pinagmamasdan ang matapang at mumurahing alak sa baso niya. Kailangan, magpakatino ako, maghanap ng trabaho, magplano ng buhay namin. May pamilya 'ko, hindi tama 'tong uminom lang ako gabi-gabi. Kailangang balikan ko ang pamilya ko!

"'Ba, pare, nagtatagal ang baso sa 'yo. Palakarin na 'yan, 'ba!"

Nagkantahan ang mga kainuman ni Onofre. Tagay na, tagay pa; tulad ng tagay mo kagabi ! Sumigla ang kantahan nila at nasingitan ng mga linyang bastos.

Dinala ni Onofre ang baso sa bibig niya. Tinungga. Umangat ang mukha niya mangyari pa. Nang maaninaw niya ang tila multong nakatayo sa likuran ni Imo. Natigilan siya. Napakurap. Lasing na 'ata siya, namamalikmata na siya. nakakakita na siya ng mga kaanyuang imposibleng mapunta sa harapang ito!

"'Nofre?"

At natiyak niyang nagsalita nga ang nasa likuran ni Imo, dahil bumaling sa direksiyon ng tinig ang mga ulo sa palibot niya.

"Angela?"

Blangka ang mukha ni Angela. Hindi nanunumbat ang tinig, hindi nagtatanong. nagpapahayag. "Umiinom ka lang pala diyan."

"Angela?" hindi pa rin makapaniwala si Onofre. Kasabay nito'y parang wala sa sariling napatayo siya. Dahan-dahang napahakbang. Natahimik sandali ang mga kainuman niya, bago dahan-dahang gumapang ang anasan. Si Angela. Aba, si Angela nga !

"Kelan ka lumabas? Sa'n ka umuuwi?" nakaangat na ang dalawang kamay ni Onofre sa tangkang paghawak sa magkabilang balikat ni Angela. Nag-uumpisa nang magkabuhay ang mga damdamin sa loob niya: pananabik, kasiyahan, suyo. "Angela."

Bahagya pa lang sumasayad ang mga kamay ni Onofre sa magkabilang balikat ni Angela nang mapaigtad siya, mapahugot ng marahas na hininga, manlaki ang mga mata sa masidhing pagkagimbal. "Angela!"

Kasabay nito, ang pulasan ng mga nakapaligid. May napatalon, may napatakbo, may nasubasob. Bumagsak ang upuang bangko, nabasag ang mga bote't baso, sumabog ang pulutang mani, lumipad ang mga sigarilyo. Alam nilang baliw si Angela, nasa mental, tumakas lang siguro, at narito ngayon para pumatay! Takbo kayo, papatayin tayo ni Angela!

BALITA, balita! Si Onofre Miguel, 36, ay bigla na lang sinaksak ng asawa niyang si Angela Miguel y de la Cruz sa isang tindahan sa panulukan ng Caballero at Matimtiman Streets sa Tundo, Maynila. Si Angela ay napag-alamang kagagaling lamang sa National Mental Hospital at pinalabas sandali ng mga doktor sa pag-asang magaling na ito at bilang paghahanda sa lubusang pagre-release sa kanya, samantalang si Onofre ay kalalaya lamang mula sa city jail ng Maynila. Si Miguel ay nasangkot sa salang panghoholdap na may kasamang pagpatay noong 1973, hindi nabistahan minsan man sa loob ng nakaraang sampung taon, at pinalaya ng korte sa bisa ng appeal na inihain ng isang human rights organization kaugnay ng pagkayurak sa karapatan ng akusado sa mabilis at makatarungang paglilitis.

Ang bangkay ni Onofre Miguel ay nakaburol ngayon sa barangay headquarters ng kanilang lugar, samantalang si Angela Miguel naman ay ibinalik sa mental hospital ng mga nakasaksi.


Babae
ni Ali F. Bedano
Sinalin sa Filipino ng May-akda

Inalis ni Agnes mula sa kanyang suso ang mga labi ng sanggol. Tulog na ito. Marahang humihinga, marahan ang pagtibok ng dibdib. Sandaling pinagmasdan muna ni Agnes ang mukha ng bata bago niya inihimlay sa banig na nakalatag sa sahig. Kayumanggi, guwapo - matangos ang ilong, manipis ang mga labi, malago ang buhok. Kapansin-pansin ang pagkahawig nila ni Cris.

Isang araw, muling naalaala ni Agnes, nagkita sila ni Cris sa palengke sa bayan. Nagmamadali siya noong maglako ng gulay: apat-apat, munggo, gabi, at sitaw. Bihibihira lamang siyang nakapaglalako kaya halatang-halata sa mukha ni Cris na hindi nito inaasahan ang kanilang pagkikita. Sana'y tatalikod na ito, ngunit sinadya niyang tawagin. Lumingon ang lalaki. Umismid. May bigote. Guwapo. Naka-T-shirt na may guhit itim at puti. At hindi na niya sinayang ang pagkakataon. Pasaklot siyang nagsalita. Binale-wala niya ang mga taingang nakikinig, mga matang nakamasid, at mga labing nakangiti't nangungutya. "Hindi ka man lang dumadalaw kay Boy."

"Sinong Boy?" galit na tanong ni Crisanto.

"Sino pa, di ang ating anak. Ang anak mo sa akin."

Halatang-halata ang pamumula ni Crisanto. Suyang-suya. Hindi mapakaling pinaikot ang paningin sa mga nagmamasid. Pulis ng bayan si Crisanto, may asawa at limang anak, tatlong lalaki at dalawang babae.

"Sira siguro ang tuktok ng babaeng ito," pabulong-bulong ni Crisanto sabay talikod.

"May sakit si Boy," dagdag niya. "Nilalagnat."

Nagmamadaling sinikap ni Crisantong mawala sa nagsisiksikang mamimili. Yumuko si Agnes sa kanyang mga paninda-munggo sa bilao, isang tumpok na apat-apat sa isang pahinang diyaryong nakalatag sa nakatiwangwang at maruming baldosa, gabi, at binigkis-bigkis na sitaw.

Sandali lamang. Pagkatapos, inangat niya ang kanyang mukha, marungis at pagod na mga pisngi, malumbay na mga mata, gusot na buhok na sumasala-salabid tuwing humihihip ang hangin. Nagkasalubungan ang tingin niya at ng tindera sa kanyang harapan. Ang tindera ang unang nag-iwas ng kanyang paningin. Iyon ang nakadama ng hiya.

Nakita niya mula sa gilid ng kanyang mga mata na nangungutyang nakamasid ang mga tao, ngunit hindi niya pinansin. Ipinagpatuloy niyang ilako ang kanyang kaunting paninda upang mabuhay. Ito ang mas mahalaga. Kaya bago umabot ang tanghali, ubos na ang kanyang paninda. May P2.65 siya na nakatago sa palawit ng kanyang patadyong. Umuwi siya. Naratnan niya ang kanyang sanggol na umiiyak nang malakas sa kandungan ng nakatatandang anak, si Sali, na anim na taong gulang.

Pista ng nakaraang taon nang magkakilala sina Agnes at Crisanto. Nasa isang sulok ng basketbol kort si Agnes na nanonood ng tinatanghal na iba't ibang sayaw, nang maramdaman niyang sumagi si Crisanto sa kanyang likod. Tumingala siya, at halos dumaplis ang buhok ni Agnes sa baba ni Crisanto.

Masaya ang pagtatanghal. Tuwang-tuwa si Agnes. Malakas ang kanyang pagtawa. Naramdaman niyang unti-unting umuurong ang pulis sa kanya hanggang lubusan nang naghahagod ang tiyan ni Crisanto sa kanyang likod. Naramdaman niya ang init na nananalaytay mula sa dibdib ni Crisanto at ang malalalim na hininga nito sa kanyang buhok. Nanalaytay ang kaibang uri ng init sa kanyang ugat, sa kanyang dibdib, at kahit hindi umaalis ang kanyang paningin sa pagtatanghal at hindi tumitigil ang kanyang pagtawa, unti-unting lumalalim ang kanyang paghinga hanggang di lumao'y tila pumaimbulog na siya sa kakaibang uri ng alimpuyo.

Ipinatong ng lalaki ang kanyang mga bisig sa magkabilang balikat ni Agnes. Nilisan na nila ang basketbol kort at tumungo sa isang sulok ng paaralang elementarya. Maliwanag ang kalangitan, may mga bituin. Malamig ang simoy ng hangin ngunit sa kabila nito, init ang kanyang naramdaman. Mainit ang kamay ni Crisanto sa kanyang balikat. Inilapat ng lalaki ang kanyang labi sa kanyang leeg, gumapang ang mga daliri sa kanyang likod. Ito'y marahan sa simula, ngunit nang lumao'y bumibilis, sumusunggab..

" Agnes ," ang sagot niya nang tanungin ni Crisanto ang kanyang pangalan.

" Agnes ," ulit ni Crisanto. May kalaliman ng tinig ang lalaki. Inalis nito ang isang kamay mula sa kanyang leeg. Tumayo. Sa kadiliman, naaaninaw niya ang malaki't matipunong katawan ni Crisanto, na nakatambad sa harap niya, pinagmamasdan ang kanyang buong anyo.

Tumindig siya. Pinagpag ang palda upang matanggal ang dumikit na mga dahun-dahon. Humahakbang nang papalayo si Crisanto. Sumunod siya.

" Saan ka nakatira ?" tanong ni Crisanto.

" Sa Sta. Magdalena ."

" Sa Krosing ?"

" Oo ."

" Gusto mo bang dalawin kita roon nang madalas ?"

Mahigpit siyang humawak sa kamay ni Crisanto. Papalapit na sila sa liwanag mula sa posting ilaw sa tapat ng paaralan. Huminto si Crisanto. " Mauna ka na ." Nag-alinlangan siya. Bahagya siyang itinulak ng pulis. " Sinabi kong mauna ka na. May gagawin pa ako rito. "

Sumunod siya. Kahit hindi matigas ang tinig ni Crisanto, ito'y may angking lakas, lakas na tila nagmula sa buong katauhan niya. Nang malapit na sila sa liwanag, nilingon niya si Crisanto. Wala na iyon. Tinupad ni Crisanto ang kanyang pangako, dinalaw ni Crisanto ang tirahan ni Agnes. Nag-iisa lamang siya, maliban kay Sali na wala pang kamuwang muwang. Mangingisda ang ama ni Sali. Sumama sa isang sasakyang-dagat patungong Palawan. Hindi na nakabalik o nakasulat man lang sa loob ng tatlong taon.

Nakukubli ang kanyang dampa sa mayayabong na puno ng saging. Sa likuran ng kanyang dampa ay may bukirin. Mayabong na bukirin. Tatlo o apat na beses dumalaw si Crisanto sa kanya. Kung minsan, hapon siya kung dumating at gabi na kung umalis. Kung minsan naman, sa kalagitnaan ng umaga at tanghali kung umuwi. Sa mga pagkakataong ito, inuutusan niyang pumunta si Sali sa kanyang lola sa ibayong ilog upang makipaglaro sa kanyang mga pinsan. Kaya may pagkakataon sila ng pulis na magsarili.

Isang mapangahas na mangingibig si Crisanto. Oo, pag-ibig ang akala niyang batayan ng kanilang kaugnayan. Ang lahat ng init ay pag-ibig. Mag-aapat na buwan na ang kanyang pagdadalantao nang mabalitaan niyang lumuwas sa lungsod si Crisanto. Kung ano ang ginawa roon, di niya alam.

At sila'y nagkita na lang muli pagkalipas ng mahabang panahon, kahapon sa palengke. Ngunit malaki ang ipinagbago ni Crisanto. Kinimkim niya sa sarili ang poot.

Ngayon, kumakagat na ang dilim. Sa labas ng sira-sirang bintana, nakikita ni Agnes sa dilim ang balangkas ng mga bagay sa kapaligiran, hugis ng dahon ng saging, mga puno; at di niya nakaligtaang sulyapan ang isang bubot na buwig ng saging. Tinawag ni Agnes si Sali upang magsaing. Dalawa. Tatlong beses. Walang sumasagot.

Galit na tumayo si Agnes. Pasunggab niyang kinuha ang tukod-bintana. Sumalpak ang bintana sa dinding ng dampa. Nagising ang nilalagnat na sanggol. Umiyak. Sunud-sunod na pagmumura ang lumabas sa mga labi ni Agnes.

Humiga siya sa tabi ng sanggol at isinaksak muli ang hindi pa natatakpang suso sa bunganga nito. Pilit na tumahan ang bata. Nabubulunan ito, ngunit patuloy pa rin ang pagsaksak ni Agnes ng kanyang suso sa bibig nito.

Nahagod ng braso ni Agnes ang pisngi ng bata, at naramdaman niya ang mataas na lagnat nito. Muli niyang naalala si Crisanto. Si Brando, ang kanyang asawa. Saan na kaya si Brando? Nasa Palawan pa kaya? May asawa na kaya iyon? Lintik na Brando! Lintik na Crisanto! Lintik na buhay ito!

"Sali!! Sali!! Muling kumulog ang tinig ni Agnes. "Sali! 'Asan ka, maldita ka! Pag nahuli kita. makikita mo. Tatalupan ko iyang mukha mo. Sali!"

Yamot na yamot na si Agnes sa katatawag. Naghari ang katahimikan. Pagaspas lang ng dahon ng saging ang maririnig mula sa labas tuwing hihipan iyon ng hangin. Kaluskos ng ilang gapok na pirasong kugon sa bubong. Nalaglag ang isang piraso sa mukha ni Agnes. Napapikit siya nang tumusok ang dulo ng kugon sa puno ng kanyang ilong.

Hangin, pagaspas ng mga dahon, hangin sa dapithapon. Pinalitan ng kapanglawan ang poot ng damdamin ni Agnes. Nakinig siya sa malambot na tinig ng takipsilim. Pumikit siya. Naramdaman niya ang paghapdi ng kanyang mga mata.

Naidlip marahil si Agnes, pagkat nagising siya sa isang tinig. Tinig ng lalaking tumatawag mula sa silong. Ilang sandaling pinakiramdaman muna ni Agnes. Hindi niya kilala ang tinig na iyon. Hindi pa niya narinig iyon simula't sapol. Malalim ang tining, nakababalisa. Iyo'y di-pangkaraniwan sa kanyang pandinig. Bumangon si Agnes mula sa hinihigaang malamig na sahig. Napansin niyang madilim nap ala sa loob ng kanyang dampa. Walang ilaw. Kinapkap niya ang gasera sa isang sulok. Ang posporo sa kilo. Ngunit, magaan na ang posporo. Wala nang laman. Binuksan na lamang niya ang sira-sirang pintuan.

"Magandang gabi, 'Day," bati ng tinig mula sa silong. Nakita ni Agnes ang bumabagang dulo ng sigarilyo sa kamay ng lalaki. Pinagmamasdan niya nang maigi ang lalaki. Wala siyang Makita maliban sa malabong anyo niyon. Katamtaman ang pangangatawan ng lalaki.

Hindi sumagot si Agnes. Ngumiti siya ngunit ngiting walang silbi sa gitna ng kadiliman. Nakita niyang lumapit ang lalaki sa paanan ng munting hagdanan. Itinuntong ang isang paa sa unang baitang. Tumingin-tingin sa loob ng dampa.

Kasalukuyang nakapatong ang isang kamay ni Agnes sa gilid ng pintuan samantala ang isa naman ay malapit sa tiyan, bumabatak at kumikimkim ng mga tiniklupan ng palda sa kanyang baywang.

"Magtatanong sana ako, 'Day, kung nakikilala mo si Mang Anchong. Anchong Lipis," sabi ng lalaki.

"A, siguro si Mang Anchong ni Mayang."

"Oo."

"A, tila nasa ibayo ang bahay nila."

"Gaano pa ba kalayo iyon?"

"Limang kilometro."

"Di na ba dadaan sa kalsada?" At hinagis ang sigarilyo.

"Ang pinakamalapit na daanan ay diyan sa may ilog sa unahan, tapos sa parang at patag. Magtanong-tanong na lang kayo. Mabuti sana kung may maghahatid sa iyo. Nag-iisa ka lang ba?"

"Galing pa ako sa lungsod. May aaregluhin lang sana kami ni Anchong. Hinggil sa lupa niya. Aalis na ako, 'Day, salamat." Anyong patalikod na ang lalaki, ngunit nang makita ito ni Agnes, parang tinusok ng karayom ang kanyang puso.

"Di ka ba muna magpapalipas ng roas, sir?"

Napatigil ang lalaki. "Tutuloy na lang ako. Ay, teka nga pala, 'Day, puwede bang humingi ng inumin? Baka mamaya'y maligaw ako sa daan."

Umurong si Agnes. "Panhik ka muna, sir."

Madilim na sa loob ng dampa. Sumilip ang lalaki sa pintuan. Ipinatong ang dalawang bisig sa huling baitang ng hagdanan.

"Pasensya na kayo, sir. Sandali lang at sisindihan ko pa ang ilaw," pasinungaling ni Agnes.

Kumuha ng posporo ang lalaki sa bulsa ng kanyang kamisadentro. Kumiskis ng isang palito. Saglit na lumiwanag kahit na madilim-dilim pa rin ang loob ng dampa. Pinatay ng ihip ng hangin ang mahinang sindi ng palito.

"'Day, heto ang posporo, o. Nahihirapan ka yata riyan. Dalhin mo na rito ang gasera."

"Hindi naman."

Pumanhik sa hagdan ang lalaki. Umupo sa unang baitang. Iniabot ni Agnes sa kanya ang gasera. Sinindihan niya ito.

"Wala na palang laman ang posporo ko," sabi ni Agnes.

Humihip muli ang hangin at namatay ang ilaw. Sa sandaling ito, patungo na si Agnes sa lutuan sa isang sulok ng dampa. Malapit sa tapayan. Binuksan niya ang bunganga ng tapayan. Sumandok.

Asiwang nakalumpagi sa sahig ang lalaki nang siya'y bumalik. Isinara niya ang pinto upang hindi makapasok ang hangin. Nakasandal sa dinding ang lalaki.

"Kayu-kayo lang pala rito ng anak mo?"

Ngayon, sa liwanag ng gasera, nakita nang husto ni Agnes ang pagmumukha ng lalaki. Nakakamisadentrong puti, nakasapatos, crew-cut ang gupit ng buhok, may edad na - marahil mga apatnapu; gayunman, di maikakailang ito'y magandang lalaki pa rin. Matipuno at malapad ang balikat, matangos ang ilong. Wari'y sinasalat ng kanyang mga mata si Agnes nang inabot nito ang tarong kinalalagyan ng tubig. Isang malalim at wari'y nakakatagos na titig.

Lumagok nang marami ang lalaki. Siyang-siyang pinagmamasdan ni Agnes ang pagtaas-baba ng lalamunan ng lalaki. Sa kanyang palagay, maykaya sa buhay ang lalaki. Maayos ang pananamit, ang pagkilos; hinggil daw sa lupa ni Mang Anchong ang kanyang pakay.

Iniabot ng lalaki ang tarong walang laman kay Agnes. "Maraming salamat, 'Day. Ang tamis pala ng tubig ni'yo rito."

Ngumiti si Agnes. "Saan pala ang asawa mo, 'Day?"

"Malamang nasa pondohan na naman ng tuba sa kanto," pasinungaling niya.

Marahang tumawa ang lalaki. Lumitaw ang biloy sa bawat pisngi niya. "Ganyan talaga ang buhay sa bukid." Naglupagi si Agnes sa tabi ng sanggol. Ipinatong ang taro sa kanyang paanan. "Natutulog pala iyang badigard mo," sabi ng lalaki.

"Me lagnat kasi, eh."

"Baka nagpapatubo ng ngipin."

"Baka nga." Hinaplos ni Agnes ang noo ng sanggol.

"Ilang buwan na ba iyan?"

"Mag-aanim na."

Naghari ang katahimikan. Isang katahimikang nakakaasiwa. Naramdaman ni Agnes na pinakikiramdaman siya ng lalaki. Marahang tumingala siya. Nagkatitigan sila - isang makabuluhang titig. Mabilis ang tibok ng dibdib ni Agnes. Nararamdaman niya ang pag-init ng kanyang katawan.

Kumilos ang lalaki. Tumayo. Ipinatong ang isang kamay sa pintuan upang buksan ito. Parang kinuyom ang puso ni Agnes.

"Eh, din a ako magtatagal, 'Day," sabi ng lalaki.

"Salamat uli."

"Oo," sagot ni Agnes. Huli na ang kanyang pagsisising nasabi pa niya ito. Binuksan ng lalaki ng pintuan. Nakikinig si Agnes sa dahan-dahang paglangitngit nito. Nakaramdam siya ng panghihinayang at kabiguan. Humakbang ang lalaki sa unang baitang ng hagdanan. Nilamon na ng kadiliman sa labas ang mukha at kalahating katawan nito. Parang mabubulunan si Agnes nang bigkasin niya ang isang salita. May bahagya ngunit halatang panginginig ang boses: "Sir."

Biglang napalingon ang lalaki. Nakalupagi pa rin si Agnes. Nakayuko siyang tinititigan ang kanyang singit, samantalang kumikilos ang kanyang dalawang kamay, dahan-dahang inaalis ang damit sa paghubad ng sarili sa harap ng estranghero. Nalantad ang kanyang dibdib at kalahating katawan.

Nakatitig si Agnes sa lalaki. Muling tinawag. Pinagmamasdan ng lalaki si Agnes ngunit hindi ito tumitinag sa kinatatayuan. Nakaismid ang labi ni Agnes. "Lumapit ka sa akin. Hindi ka ba marunong umintindi?" Halos pautos ang tinig ni Agnes.

Lumapit naman ang lalaki kay Agnes. Ipinatong ang dalawang kamay sa magkabilang balikat ng babae. Subalit walang init ang palad ng lalaki. Sinubsob ni Agnes ang mukha nito sa dibdib ng lalaki. Niyapos ng kanyang mga bisig ang leeg nito. Humahangos siya. Bumilis ang tibok ng kanyang dibdib. Parang hinihila siya ng alimpuyo. Ngunit sa kabila ng lahat, nanatiling isang matatag at malamig na pader ang lalaki.

Naglao'y inalis ng lalaki ang mga bisig ni Agnes mula sa kanyang leeg. Dahan-dahang inilayo sa sarili ang babae. "Ang sanggol mo," paalala ng lalaki sa mababang tinig. Hinalukipkip ni Agnes ang kanyang bisig upang takpan ang kanyang hubo't hubad na katawan. Nakaramdam siya ng hiya. "Ang sanggol mo," ulit ng lalaki.

Awa, awa ang naramdaman ng lalaki para sa babaing ito. Awa dahil ito'y maputla't payat, mga bakas ng marahil ay di-mapantayang unos ng buhay. Tumayo ang lalaki at tinunton ang madilim na landas sa kalaliman ng gabi.
_________________________________________________________________

Sa mga may INC sa Mid TERM sa Filipino 2:

I.Suriin ang mga sumusunod na tula.Tukuyin ang mga sumusunod:

a. ang paksa ( 3 puntos)

b. Ilarawan ang persona ( 3 puntos)

c. Tono o Damdamin (2 puntos)

d .Layunin ng Awtor (2 puntos)

1. Sa Angeles

ni Virgilio S. Almario

Ang hostess sa nightclub row

Pulutan ng marino

Ang maligaw sa kampo

Pinalalapang sa aso.

2. Neneng
ni Merlinda Bobis

pitong taon ka,
ngunit kilalang-kilala na
sa uma-umaga ng makitid mong bangketa-
“’ma, sigarilyo; ale, sampagita.”
dito, tinutuhog ng iyong mga mata
ang piyesta ng iba,
sinisimot ng taynga
ang umaapaw na halakhak nila,
hanggang makarburo ang kislap ng iyong mata
at kuminang ito na singko sa kalsada.

3.Saging
ni Romulo P. Baquiran

Hindi ako kasintikas
ng katabing narra;
napapamaang ako
kapag tinawag na puno.
Higit na kauri, pakiwari ko
ang sibuyas (na kahit paano’y
nakakubli sa lupang magaspang)
dahil palapa ko’y natutuklap ng kuko.
Kapag may mga batang
nagpapakana ng digmaan,
kapag may lalaking sumama ang loob
sa anumang kadahilanan at kailangang
magwala, mag-ubos ng galit,
malamang na ako ang mapagbalingan.
Iiwan akong tuhog o sugatan
kundi man tiniba nang tuluyan.
Iyan ang mahirap kapag malambot ka
sa daigdig na itong uso ang dahasan.
Kaya pinakalakihan ang pusong
may handog na agimat
sa sinumang tunay na magiting
at taglay ang kadalisayang
tulad ng puso kong nakawagayway
sa abot-tanaw na kalangitan.

10 Setyembre 2002

4. Sakali Mang ako’y Lilisan
ni Maria Jovita Zarate

Sapat na marahil ang mga mumunting
palatandaang aking maiiwan.
Kaunti lang naman ang mga iyon:
ilang tulang inilathala
na kalakip ang aking lagda;
mga sandaling ginugol
sa piling ng mga kaibiga’t mahal sa buhay;
mga bakas na iniwan sa gubat-lunsod-
sa mga pusali’t estero,
pabrika’t piketlayn,
sa mga natatanging kalyehon
ng siyudad na ginaygay
ng mga ligalig na paa;
mga pasubali’t pag-aalinlangan
ng diwang paminsan-minsan
hanap ang patnubay na ilaw.

1987

5.Teksto Ukol sa Kamatayan
ni Genaro R. Gojo Cruz

Tinatayang 30,000 hanggang 50,000 katao mula sa Kamaynilaan at karatig-lalawigan ang dumagsa sa Philsports Arena (dating Ultra). Umaasang mababahaginan ng magandang kapalaran subalit nauwi sa trahedya, sa pagkasawi ng 74 katao nang magkaroon ng stampede.
- Mula sa isang balita

Nakararating sa atin ang lahat
bilang malalamig na balita.

Hindi na natin ikinamamangha
ang bawat nagaganap na kamatayan.

Kung ilang katawan ba ang nadaganan
ng sandamukal na katawan?

Kung ilang bata at matatanda ang dinurog
ng mga nagkukumahog na hakbang at paa?

Ipinain sa kanila ang sandamukal na premyo,
tuwa at pag-asa, wala silang magawa.

2.5 M na bahay at lote
1M cash
2 tricycle
2 taxi
pampasaherong dyip

Ipinain sa kanila ang halimuyak ng pag-asa,
ipinaamoy ang kaginhawahang naghihintay.

Hinding-hindi sila natinag sa pag-aabang
sa tila abot-kamay na biyaya at dagliang pagyaman.

May kakaibang anyaya ang hikayat ang palabas
na minanhid maging ang kanilang mga pandama;

na nagsabing banal at dalisay nitong misyon
ang iahon ang tao sa kumunoy ng kahirapan.

Tumunghay tayo sa kanilang kamatayan nang malayo,
na hindi abot maging ng ating mga panaginip.

II.Pagsusuri ng Maikling Kwento gamit ang mga sangkap nito.

Basahin ang Maikling Kwentong, Bangkang Papel ni Genoneva Edrosa-Matute sa aklat na Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t Ibang Disiplina ni Felisa M. Recorba et.al,mga pahina 115-158.

Alamin mga mga sumusunod: (20 puntos)

A. Pamagat (1 puntos)

B. Awtor (1 puntos)

C. Karakterisasyon ng Mga Tauhan (2 puntos)

D. Tagpuan (1 puntos)

E. Tunggalian /Suliranin (2 puntos)

F. Paksa (2 puntos)

G. Implikasyong Kultural (3 puntos)

H. Simbolismo ( 3 puntos)

I. Maikling banghay (5 puntos)

III.Sumuri ng akda gamit ang mga teoryang pampanitikan.Gamitin ang akda sa itaas.(25 puntos)


Wakas

_________________________________________________

PAALAALA:

Isulat ang sagot/pagsusuri sa test booklet at ipasa ito bukas sa opisina ng Fakulti bago mag ala- singko ng hapon.Ang hindi makapasa sa itinakdang oras ay hindi na maaring tanggapin.

Salamat!

Maging mulat at mapanuri.

It is better to suffer wrong than to do it, and happier to be sometimes cheated than not to trust.

Samuel Johnson. (1709-1784)




Ang inyong lingkod,

SANDRO JERONIMO REBADIO,BEE,Professional Teacher

E-mail:torch_agusan0405@yahoo.com

Mobile: 09208888574




1 comment:

  1. hello,
    I found and tried this free unlimited sms to all network website. You can send unlimited texts to all Philippine subscribers.
    We can also meet new friends and txtmates through discussion and chat.

    Visit this link http://www.txtmate.com

    ReplyDelete